ni Denise Poloyapoy
Sa lahat ng artistang nagsasabing “temporary” ang career sa showbiz, si Dolphy ang isa sa iilang magpapatunay na hindi ito totoo.
“Semi-retired” lang kung tawagin ni Dolphy ang kanyang showbiz career sa kasalukuyan. Kahit sa edad na 74 (ngayong July 25) at 58 taong pag-aartista, malayo pa sa kanyang isip na magretiro. “Kung okay naman ang gagawin (pelikula), bakit hindi? Ten years from now I’d be 84, I hope I’m still alive,” sabay tawa na may kasamang pagkakilig sa pag-aming ginawa.
Subalit ngayon, hindi na siya lagari sa kaliwa’t kanang mga projects. Tanging ang sitcom na “Home Along da Riles” at pamilya’t mga anak na lang ang kanyang pinagkakaabalahan. Regular day for me is watch TV and play with my kids. Go out to the mall, or out of town. O kaya, nakikipagmiting sa mga taga-Channel 2, ayon sa kanya.
Buong Pilipinas ay humahanga sa tinaguriang “King of Comedy” ng Philippine Cinema. Ilang henerasyon na rin ang kanyang napatawa, napaiyak at napabilib.
Maging kapwa artista ay ginagalang si Dolphy. Hindi lang dahil sa edad, talento at galing, at staying power sa showbiz, kundi dahil sa kanyang pananatiling mapagkumbaba at soft-spoken sa kabila ng tagumpay at kasikatang tinamo.
Nang itanong ng KMC kung ano ang kanyang sekreto, ang kanyang tanging sagot ay “hindi ko alam.” Saka nagpaliwanag na marahil dahil sa pagiging mapagkumbaba.
“Kahit madumi ang kamay, dapat kinakamayan mo. Kahit sa mga lugar na may ketong, pumupunta ako noong araw, nakikihalubilo. Huwag kang maging plastik, huwag kang tatapak at mang-agrabyado ng ibang tao,” ang words of wisdom n’yang binitawan.
Noong gabing mainterview si Dolphy ng KMC sa isang Café/Restaurant sa Malate, nakakabinging katahimikan ang biglang pumalit sa ingay ng mga nagkukwentuhang customers pagdating niya. Sa gitna ng tensyon (kung tensyon mang maituturing,) sinagot lang niya ito ng mahinanong pagbati at ngiti sa mga tao (pati sa mga nakasilip sa bintana na kanyang kinawayan). Matagal din bago nanumbalik ang normal na kapaligiran.
Bagong gupit at naka all-white (signature color n’ya), natural na grasyoso at soft-spoken, binati kami ni Dolphy at tinanong kung ano ang aming gustong kainin (mango juice lang po sa akin at kape naman sa aking kasama). Umorder siya ng pansit at kamote para sa sarili. Sa gitna ng mga subo, at home na at home siyang nakipagkuwnetuhan.
“I started as a dancer sa Avenue Theater during the Japanese war time. Teenager lang ako n’un, 16 years old. Jitterbug, Boogie, at Latin, kung ano ang uso. Sinisinta ako ng tatay na sumali kasi tagahatid kami ng pagkain sa kapatid kong si Sonny na kumakanta doon. Pinasayaw ako ng konti ni Benny Mac (choreographer), tapos ‘yun na,” panimula ni Dolphy.
Sa kasagsagan ng kanyang paglabas sa entablado lalo na noong Paquito Bolero days, napadpad si Dolphy sa iba-ibang lugar sa Pilipinas upang magperform. Sa entablado rin n’ya nakilala sina Panchito, Tommy Angeles, Bentot at Bayani Casimiro Sr. na kanyang naging partner at nagpasok sa kanya bilang extra sa pelikula.
Sila raw ni Bayani ang unang Japayuki.
“Nang maghiwalay si Bayani at ang first wife n’ya, ako ang kinuhang kapalit. 3 Hotshots ang tawag sa amin. Noong 1950-52, bumibiyahe na kami sa Japan, kami ang unang Japayuki. Kami rin ang unang Filipino Band na tumutugtog doon kasama si Bimbo Danao,” pag-aalaala niya.
Hinding hindi makakalimutan ni Dolphy ang kanyang unang pelikula dahil dulo lang ng kanyang ginamit na riple ang lumabas. Hindi pinakita ni anino ng kanyang mukha sa pelikula kahit kasama siyang nagshooting sa Tiaong, Quezon ng anim na buwan. They Died to Live ang pamagat ng pelikula.
Ang kanyang komedya ay nagsimula sa karakter na Golay- isang Chinoy na testigo at comic relief sa courtroom drama.
“Nagsimula ‘yung biruang kami-kami lang. Tapos, sinabi sa akin nina Inggo na gagamiting pangrelief sa courtroom scene. Golay pa pangalan ko. ‘Taas ang kamay.’ Sasagot naman ako ng ‘Bakit? Wala pera.’ ‘Ano’ng pangalan?’ ‘Ikaw tawag na, bakit tanong pa uli?’
Kumuwela ang stint at ginawa siyang mainstay kasama nina Pablo Virtucio at Balot.
Sa “Jack en Jill” nakilala ang brand of comedy ni Dolphy. Dito siya unang gumanap bilang gay. The rest is history, ika nga.
“Pagpunta namin sa sine, ang dami talagang tao. Nagsasign kami ng autograph, nakasuot babae pa ako. Sinulatan ako ni Mars Ravelo (cartoonist na lumikha kina Darna, Dyesebel at Captain Barbel). Pagkatapos n’un, puro mukha ko na ang lumalabas sa komiks,” pag-aalala n’ya.
Ang dating ng pelikula ay umabot sa puntong ipinagbawal ng mag-asawang Perez ang salitang bakla sa lahat ng artista at empleyadong lalaki ng Sampaguita Pictures. Maliban sa kanya.
“Lahat ng mga lalaki sa Sampaguita, nagbabakla na. Nagalit si Dr. Perez, lalo na sa mga bida nila. Pinagbawal ngayon magsalita ng bakla ang mga glamour star, maliban sa akin,” natatawa niyang pagsalaysay.
Naging biruan ang pagbabakla sa loob at labas ng Sampaguita. Hindi na nawala ang impluwensyang ito hanggang maging natural siya sa industriya. Lingid sa kaalaman ng marami, si Dolphy ang unang gumamit ng mga salitang gay tulad ng fafwa, shoki, at iba pa.
Pinasok ni Dolphy ang pagpoproduce at tinayo ang RVQ (Rudolfo Vera Quizon) Production noong 1964. Ang RVQ ang nagproduce sa longest running (mahigit 20 taon sa ere)TV sitcom, ang “John en Marsha” (nina Dolphy at Nida Blanca) at pelikulang Facifica Falayfay.
Lahat ng pelikula ni Dolphy ay naging box-office hits. Katunayan, karamihan sa kanyang acting awards ay mula dito.
Hindi sa pagyayabang, pero inamin ni Dolphy na talagang iniingatang makatapat ang kanyang pelikula noon.
“Talagang malakas kumita ang movie ko. Paglabas ko na bakla, siguradong malakas.”
Kaya lang, naging salat siya sa acting award, dahil commercial material ang kanyang mga tinampukan. Ito ang nagtulak sa kanyang gawin ang “Omeng Satanasia,” sa kagustuhang manalo.
Nanalo si Dolphy, subalit gaya ng inaasahan, hindi nito napantayan ang kinita ng kanyang ibang pelikula sa box office.
“Gusto ko ng dramang maganda, ‘yung nakakatouch ng human interest,” ang sambit ni Comedy King tungkol sa kanyang dream role sa kasalukuyan.
“Gusto ko ng pelikulang makikita ang side ng mayaman at mahirap, ‘yung talagang nangyayari sa buhay ng tao. Dapat kasi makikita ng manonood ang sarili nila sa ginagampanan mong karakter. Mas masaya ang drama kapag may konting kasiyahan. Kaya nga lumulungkot dahil naaalala natin ang happy moments na biglang nawawala” dagdag pa niya.
Kasama sa track record ni Dolphy ang pagkakaroon ng malaking pamilya na kinabibilangan ng 18 na anak, higit sa 20 apo at 2 apo sa tuhod. Ang kanilang samahan ni Zsa-zsa sa kasalukuyan, ang pinakamatagal na nasa 13 taon na.
“Kaya siguro dumami ang anak ko dahil naging malapit sa akin ang mga babae at akala bakla ako, “ pabirong salaysay ni Dolphy.
Hindi naman daw siya pilyo, pero hindi rin niya ikinailang marami siyang minahal (hindi na niya mabilang kung ilan) matapos silang maghiwalay ng kanyang unang asawa.
“Tingin lang naman ako, pag nalaman kong tumitingin ka rin sa akin, kumbaga nararamdaman ko.” Ganyan si Dolphy kung manligaw.
Kay Zsa-zsa niya natagpuan ang tunay na pag-ibig.
“Masasabi kong mahal n’ya akong talaga. Inspite of my age, experience sa babae, my kids and my family. Ups and downs, nand’un siya, all the way. Huwag mo lang gagalitin, may topak ‘yan pag nagalit. I want to please her everyday kung maaari, ” paglalarawan ni Dolphy sa asawa.
Bilang ama at asawa, marami ang pagkukulang ni Dolphy. Dahil ito sa kanyang trabaho na umuubos ng oras para sa pamilya.
“Hindi ko sila masyadong nabantayan kasi pirmi akong nasa labas, kung saan-saan. Kaya, I make it up to them. Now that I am semi-retired, I spend more time with them. Whenever they are in trouble, I am always there. I fight for them,” sambit ng isang butihing ama.
“Now that they have their own families, the only time we see each other are on special occasions like my birthday, Christmas and New Year. Hindi ko na matandaan lahat ng birthday ng aking mga apo, but I make it a point na bigyan sila ng cake, pera, o magdine-out pag dumadalaw.”
Noong Nobyembre nang nakaraang taon, dumanas ng malaking pagsubok si Dolphy nang maaksidente ang sasakyang dinadrive ni Vandolph na pumatay sa kanyang girlfriend na si Ishi Raquiza at naglagay sa kanya sa kritikal na kondisyon nang mahigit isang buwan.
Sa pagbabalik tanaw sa pangyayari, hindi maisip ni Dolphy kung paano nalagpasan ang trahedya.
“Noong naaksidente si Vandolph, parang nagkaroon ako ng extrang adrenalin sa katawan. Hindi ako halos makakain. Ang tulog ko kakapiranggot. Bigay nang bigay ng pampatulog ang mga duktor, hindi ko naman iniinom. Sa prayers lang siguro ng mga tao para kina Vandolph, Ishi at sa akin na rin. Hindi nga lang tumalab kay Ishi, ‘yun ang hindi naging maganda,” salaysay ni Dolphy habang umiiling.
Okay na ngayon si Vandolph at nanumbalik na ang kanyang dating sigla. Halos araw-araw ay bumibisita siya sa puntod ni Ishi upang magpahinga at magpalipas-oras.
Mula sa pagiging hikain na nabuhay sa Tedral (nanginginig pa ako pag umiinom nito) noong kanyang kabataan at pagiging malikot kapag gumagaling na, (ang dami kong peklat sa katawan) na nahantong sa pagkahulog sa bintana (kita mo itong peklat ko sa kilay? Yan ‘yun!), malayo na ang narating ni Dolphy.
Sa kabila ng 2nd year high school na tinapos sa dating Torres High bago ang digmaang Hapon (isang dahilan kung bakit ayaw niyang pumasok sa Pulitika), maraming magagandang aral ang kanyang naipamahagi.
Natutunan niyang mainam umiwas sa pulitika. Kanya-kanya raw ng prinsipyo ang tao.
“Kung gusto mong maglingkod sa larangan ng pulitika, puwede. Pero takot akong manalo. Marami kang makakaaway. Iba ang politics sa Pilipinas, mas marumi pa sa pag-aartista. I want to have more friends than lose friends,” ang sabi n’ya.
Sa pag-aartista naman, just keep on punching ang advice ni Comedy King.
“Ilang beses na rin akong nawalan ng pag-asa. Pero, kasusuntok ko sa dilim, nakatama din. Pagtama mo naman, tuluy-tuloy na ‘yon. Bow kami kay His Majesty, King of Philippine Comedy – Dolphy.KMC
|
|