Cesar Montano at Erwin Tulfo, muntik ng mag-umbagan!
Yes, tama ang nabasa niyo. Muntik na ngang magkaroon ng boxing match sa pagitan nina Cesar Montano at Erwin Tulfo.
Nagsimulang mag-iringan ang dalawa nang magpalitan ng maaanghang na salita sa telebisyon.
Ito kasing si Cesar ay binastos diumano si Niña Corpuz, ang showbiz reporter ng Dos at kasamahan naman ni Erwin sa Magandang Umaga, Bayan.
Ayon sa mga bali-balita, iinterbyuhin sana ni Ms. Niña si Buboy (palayaw ni Cesar) tungkol sa panganganak ni Sunshine ngunit sinabihan diumano ni Buboy ang lady reporter kung gusto raw nitong magpabuntis.
Ungentlemanly act nga ang ginawa ni Buboy pero humingi naman ng paumanhin si Buboy at sinabing nagbibiro lamang ito. Tinanggap naman ni Niña ang public apology ni Cesar pero hindi rito nagtatapos ang lahat. Nakarating kasi kay Cesar ang mga maaanghang na salita na binitiwan ng matapang na si Erwin Tulfo. Ipinagtanggol kasi ni Erwin ang kasama sa trabaho at itinuturing na nakababatang kapatid na si Niña.
Hindi ito nagustuhan ni Buboy at naghamon sa national television na mag-boxing match sila sa isang gym.
Marami ang nag-abang sa duelong ito pero hindi rin nagkita ang dalawa. Naunang dumating si Cesar sa napagkasunduang gym pero hindi lumabas sa sasakyan niya.
Matapos ang ilang oras ay umalis din ito at hindi na naabutan ni Erwin na siya namang pumunta sa gym.
Pero bago pa mapunta kung saang umbagan ay pinatawag ng ABS-CBN management sina Erwin at Cesar para ayusin ang gulo ng mag-“kapamilya” na parehong talents ng TV network.
Sharon, nanganak na!
Very excited na naman ang mag-asawang Francis Pangilinan at Sharon Cuneta dahil sila ay brand-new parents na naman ng isang baby girl!
Isinilang ang pangatlong anak ni Sharon noong Setyember 2, 6:30 ng umaga via caesarian section sa Asian Hospital sa Alabang. Mariela Daniella Sophia, ang pangalan ng kanilang baby na may timbang na 8.2 lbs. at habang 51 cm.
Hindi pa maaaring bisitahin ang Megastar na siyang advice ng kanyang doctor, habang sinusulat ang balitang ito.
Si Senator Francis Pangilinan at ang anak na si Frankie ang humarap sa mga mediamen.
Ang panganay ni Sharon na si KC na kasalukuyang nasa France para sa kanyang pag-aaral ay nakatakdang umuwi para dalawin ang kanyang bagong kapatid.
Walang balikan, sabi ni Rica
Mariing itinanggi ni Rica Peralejo na nagkabalikan na sila ng dating kasintahan na si Bernard Palanca. Napabalita na naghiwalay ang dalawa pero wala sa kanila ang gustong magsalita kung ano ang naging dahilan ng kanilang paghihiwalay.
Marami tuloy ang iba’t-ibang rason ang lumabas na kesyo may ginawa raw si Bernard na hindi gusto ni Rica o kaya naman dahil daw nalaman ni Bernard na nag-escort service daw si Rica.
Pero kamakailan ay marami ang umasa ng nagkabalikan ang dalawa dahil nakitang nag-uusap ang dalawa sa advertiser’s trade party ng ABS-CBN sa PICC. Pero nilinaw ni Rica na hindi sila nagkabalikan ni Bernard at doon lamang nagkausap ang dalawa matapos silang mag-split.
Ipinagtanggol din ni Bernard ang isyu ng escort service kay Rica at walang katotohanan ang mga lumalabas na ganito ukol kay Rica. Pero hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga fans nina Rica at Bernard na magkakabalikan ang dalawa dahil ilang beses ng nag-split ang dalawa pero nagkakabalikan rin naman.
|
|